Pagbabahagi 2017

Save pagePDF pageEmail pagePrint page

Naging saksi ang inyong henerasyon sa ilang matitinding pagbabago sa ating lipunan. Mga pagbabagong sumubok, patuloy na sumusubok, at susubok pa sa inyong mga paninindigan at pinahahalagahan sa buhay. Magmula sa usong hairstyle o pormahan, bokabularyo, palabas sa telebisyon, hanggang sa pinakakomplikado. Isa na nga ay ‘yung kurikulum na kinabilangan at pinagtagumpayan ninyo. Binabati ko kayo at ang inyong mga dakilang guro. Hindi biro ang mga pagbabagong pinagdaanan ng bawat isa sa inyo. Ang tanong ay pinagtagumpayan niyo na nga ba?

Totoong may kanya-kanya kayong nais makamit para sa sarili sa buhay, hindi ba’t ang unang sagot sa tanong na “ano na ang balak mo pagkatapos mag-aral?” ay makapagsukli, maibalik ang lahat ng sakripisyo sa inyo ng inyong mga nanay at tatay, ate at kuya, o lolo at lola. Iilan lang naman ang mga batang walang ganitong motibasyon at aspirasyon. At mapapalad kayong lahat na hindi kayo isa sa mga iyon. Ibig sabihin, hindi kayo pinagkaitan at pinabayaan ng inyong mga magulang. Doon pa lamang, nagtagumpay ka na. Nagtagumpay na ang inyong mga magulang at ikalawang magulang sa paaralan.

Maghahangad at maghahangad tayo ng pag-unlad sa buhay. Subalit sa hangaring ito, narito ang ilan pang bagay na gusto kong tumatak sana at maging sulo ninyo sa inyong paglalakbay. Ang mga pamantayang ito ay paalala ko ring lagi sa mga kapwa ko lingkod-bayan. Sapagkat matapos sa inyong pamilya at mga pansariling hangarin, nais kong huwag niyo ring kalimutan ang inyong bayan.

Una, maglingkod nang walang kapaguran. Ikalawa, rumespeto nang walang panghuhusga. Ikatlo, magmahal nang parang wala ng bukas

Huwag niyo namang gawing literal ang unang pamantayan at ibuhos ang buong buhay sa walang kapagurang pagtatrabaho na lamang. Mapapagod at mapapagod ang katawan subalit ang puso at kaluluwa ay huwag ninyong hahayaang mawalan ng gana. Maglingkod sa munting paraan na sakop ng inyong kakayanan. Maging mabuti. Ito ay anyo ng paglilingkod.

Rumespeto nang walang panghuhusga. Maging pantay ang tingin sa bawat isa, walang mataas o mababa. Kung kayo naman ang mahusgahan, huwag kayong padadala. Tandaan niyong ang palagi naman talagang binabato ay ‘yung punong maraming bunga.

At huli, ngunit higit sa lahat, magmahal nang parang wala ng bukas. Hindi ito patungkol lamang sa romantikong anyo ng pag-ibig kundi sa bawat bagay na ninanais nating gawin o tupdin. Ibigay ang pinakamahusay natin araw-araw. Hindi lamang sa sarili kundi para makatulong din sa kapwa.

Kahit ano pa mang pangarap mayroon kayo para sa kinabukasan, ika nga ni Miss Universe Pia Wurtzbach, hold on to your dreams as if your life depends on it. Sa pag-abot mo sa pangarap, isa sa pinakamatinding hamon ay hindi lamang ang pagkamit sa pangarap na iyan kundi ang pagpapanatiling busilak ng kalooban mo bilang anak, bilang kapatid, bilang kaibigan, bilang lingkod-bayan, bilang mamamayang Pilipino.

Sabay-sabay kayong magsisipagtapos ngayon ngunit maaaring hindi sabay-sabay makapagsimula sa kanya-kanyang biyahe. Maaaring may rumatsada, maaaring may maagang mapagarahe. Subalit hangad kong hindi man sabay-sabay ay makamit ninyong lahat ang mithiin ng inyong mga puso.

Matuto sa bawat paglalakbay.

Mabuhay kayo, Batang Caviteño.

                                                                                                                                                 Cherrylou D. De Mesa

                                                                                                                                 OIC, Schools Division Superintendent